CLICK HERE FOR THOUSANDS OF FREE BLOGGER TEMPLATES »

Wednesday, July 30, 2008

Ang Tribo ng Manobo


Maniniwala ba kayo kung sa pagbabasa ng blog na ito ay malalaman ninyong mayroon pa palang mga taong namumuhay sa liblib na lugar tulad ng kweba at nananatiling tapat sa mga sinaunang mga gawi ng ating mga ninuno? Hindi nga? Malamang ito ang una ninyong magiging reaksyon kung hindi naman ay "Talaga?", sa tonong parang hindi naniniwala at malamang ay isipin ninyong hindi talaga totoo ang mga naka-sulat dito kung kaya't may kaakibat itong mga patunay na kung saan ang sarili naming mga mata ay nasaksihan ang mga kuwentong nakapaloob sa blog na ito. Ang blog na ito para sa kaalaman ng lahat ay para sa aming History, na ang ibig sabihin ay ginawa lamang namin ito para magkaroon ng marka. Subalit nang aming masaksihan ang mga bagay na kanilang ikinabubuhay at kanilang mga pamamaraan, higit pa sa isang simpleng blog ang mga nakapaloob dito. Hindi lamang ito para sa aming instructor na si Ms. Rhemia Lee Pabelico kundi para sa mga estudyante di lamang ng bansang Pilipinas kundi pati na ng buong mundo; sa pamahalaang kahit kailan ay di man lamang pinapansin ang mga lathalain ng mga huwad na estudyante; di lamang ng mga rebeldeng iskolar ng bayan kundi pati na ng lahat na estudyante sa bansa; sa mga NGO's na nais makatulong sa mga taong pinilit na panatilihin ang sina-unang kultura ng ating bansa at pati na rin sa mga environmental advocates sa iba't-ibang panig ng mundo na nagkakainteres sa aming mga natuklasan at aming ibabahagi sa pamamagitan ng blog na ito.


Ang Manobo ay isa sa mga pinakamatandang tribo ng ating bansa na dapat na ipagmalaki sapagkat mayaman ang kanilang kultura na sana'y naipasa sa bawat Pilipino. Ang nasabing tribo ay tubong Agusan, isang lalawigan sa Mindanao, ito'y ayon sa aming naka-usap na isang tubong Agusan at kung maniniwala kayo ay isang Manobo. Ayon din sa kanya napakarami nilang mga Manobo at sila'y naninirahan sa iba't-ibang kabukiran sa Agusan.


Ang mga susunod ay ayon sa nasaliksik namin sa web.


MANOBO

Kasaysayan at Pinagmulan



Sino at ano nga ba ang nga Manobo? Saan ba talaga sila nagmula at anu-ano ang kanilang mga kaugalian na magpahanggang ngayon ay patuloy pa ring umiiral sa komunidad? Yan at ilan pang mga tanong ang balak at gustong sagutin ng blog na ito. Sisimulan natin sa kung ano ba ang ibig sabihin ng salitang "Manobo".Maraming mga sagot patungkol sa kung ano nga ba talaga ang ibig sabihin ng salitang Manobo. Ang isa ay nagsasabing: ang Manobo ay nangangahulugang 'tao' o 'mga tao';ikalawa ay ito raw ay nagmula sa salitang "Mansuba" mula sa salitang 'man' na nangangahulugang 'tao' at 'suba' na ang ibig sabihin ay 'ilog',ibig sabihin ang salitang "Mansuba" ay nangangahuligang "taong ilog" sapagkat karamihan sa kanila ay makikitang nakatira sa tabi ng mga ilog;ang ikatlo ay nagsasabi na ito raw ay nagmula sa salitang "Banobo", isang creek na kasalukuyang dumadaloy sa Ilog Pulange dalawang kilometro pababa ng Cotabato City;at ang ikaapat ay nagsasabi na ito ay galing sa salitang "man" na ang ibig sabihin naman ay "first o aboriginal" at "tuvu" na ang ibig sabihin ay "pagtubo o paglaki".


Ang mga manobo ay nagmula sa mga taong lagalag mula sa kanlurang bahagi ng Tsina. Karamihan sa kanila ay nakatira sa tabing-ilog, tabi ng mga burol at sa talampas sa maraming bahagi ng Mindanao. Sinasabing sila ay unang nanirahan sa mga lambak ng Ilog Pulangi subalit naghiwa-hiwalay sa pagdating ni Shariff Kabungsuan dahil sa pagtanggi ng ilan sa relihiyong Islam.


Ekonomiya at Industriya


Ang karaniwang industriya ng mga manobo ay ang kaingin. Ang pangunahing hanapbuhay ng mga manobo ay pagtatanim ng palay at mais. Marunong din silang mangisda,pangangaso at pagkuha ng "pulot". Dahil dito, nabuhay ang nga Manobo sa isang sagana at matiwasay na pamumuhay. Subalit, ang ilang nanirahan ng permanente ay natuto at nakuntento na lang sa pagtatanim ng niyog at pagcocopra.


Lipunan at Pamahalaan


Nauuri sa apat ang mga manobo: ang bagani, baylan,mga manggagawa at mga alipin. Ang mga bagani ay ang mga mandirigma na lumalaban sa nga digmaan at nagtatanggol sa pamayanan; ang mga baylan ay ang mga babae o lalaking pari at manggagamot; ang mga manggagawa ay ang mga magasasaka at ang mga alipin ay ang mga nakuha o mga nabihag nilang mga kalaban. pati mga katutubo ay pwede ring maging alipin kung sila'y naparusahan sa kanilang pagkakasala.


Pinamumunuan sila ng tatlo hanggang apat na timuay o bai (babaeng datu) depende sa lawak at pagkakalapit-lapit ng mga baranggay. Subalit, ang mga Manobo ay walang sistema ng pamunuan hanggang sa kalagitnaan ng ika-20 siglo.


Kaugalian at mga Paniniwala


Ang mga Manobo ay maraming paniniwala. Ilan dito ay ang paniniwala ng mga buntis na sila ay dapat manatili sa loob ng bahay kung pula ang kulay ng langit matapos lumubog ang araw. Ito ay dahil sa paniniwalang ang mga busaw (aswang) na uhaw sa dugo ay nasa paligid at nag-aabang sa biktima. Hindi rin sila maaring tumakbo kapag nasugatan ang paa sapagkat malalaglag ang kanilang pinagbubuntis.


Habang nanganganak ang babae,ang kumadrona ay naglalagay ng mga anting-anting sa bewang ng nanganganak. Ito ay upang ipagtanggol ang buntis sa mga masasamang anito sa paligid. Matapos manganak, nililinis ng kumadrona ang lahat ng bagay na ginamit sa panganganak upang maitaboy ang busaw. Biang kabayaran, ang kumadrona ay dapat bayaran ng maliit na kutsilyo upang linisin ang mga kuko; isang plato upang paglagyan ng dugo ng sinakripisyong manok; malong upang makapagbihis siya; at konting salapi upang hindi siya maglagay o magbitiw ng anumang sumpa sa pamilya.


Ang kasal naman ay kadalasang isang kasunduan sa pagitan ng mga magulang. Ito ay nagsisimula sa ginsa (paki-usap) ng pamilya ng babae sa pamilya ng lalaki kung saan ito ay magalang na tinatanggihan hanggang magkaroon ng kasunduan para sa kagun (bridewealth). Lahat ng kamag-anak ng lalaki ay mag-aambagan para sa kagun hanggang sa maabot nila ang halaga ng kagun. Ang araw ng kasal ay maitatakda lamang kung matapos nang maabot ang halaga nang kagun. Habang nag-aambagan ang pamilya ng lalaki, ang pamilya ng babae naman ay abala sa paghahanda ng apa ( handaan ng kasal). Nagtatapos ang proseso sa isang marangyang kasal. Ang kasal sa kanila ay isang sistema kung saan ang ugnayan ng pamilya ng lalaki at babae ay kinakailangan. Ang pagkakaroon ng maraming asawa, bagama't kadalasan lang kung mangyari ay hindi ipinagbabawal.


Mayroon din silang kaugalian sa palilibing. Ang patay na lalaki ay kanilang inililibing na nakaharap sa silangan upang ang pagsikat ng araw ay magbigay hudyat na oras na upang magtrabaho. Ang babaeng namatay naman ay inililibing na nakaharap sa kanluran upang ang paglubog ng araw ay magbigay hudyat na oras na para sa kanya ang magsaing. Sa oras na tinatakpan na ng lupa ang libingan, lahat ng naroon ay tumatalikod upang mapigilan silang mahikayat na sumama sa namatay. Matapos ang libing, mayroong walo hanggang labindalawang araw ng kalungkutan depende sa estado ng namatay. Ang sanggol ay isang araw lang at ang datu hanggang pitong araw. May kantahan at sayawan sa loob ng mga araw na ito subalit ipinagbabawal ang instrumental na mga kanta.


Sining


Ang pagiging makasining ng mga Manobo ay makikita sa kanilang pang-araw-araw na kasuotan. ang kanilang tradisyunal na kasuotan ay magarang binurdahan at halos lahat ay gawa sa abaka. Ito ay kinukalayan gamit ang mga pangkulay mula sa kalikasan. Kumukuha sila sa iba't-ibang halaman para sa iba't-ibang kulay. Kadalasan ito ay hinahabi na may nga disenyo ng mga bulaklak at mga bagay sa kalikasan. Subalit, ang mga kasuotang ito ay nakilala lamang raw ng mga Manobo ng maaga lang ngayong siglo sapagkat, ang mga Manobo ay hindi marunong maghabi.



Maging ang pag-aayos ng kanilang buhok ay masining. Ang mga buhok nila ay kadalasang nasa estilong "buns" at "bangs". Ang buhok ng mga babae ay nilalagyan ng kawayang suklay at mga dekorasyon gaya ng perlas, kabibe at mga bagay na iba't-ibang hugis. Ang sa mga lalaki naman ay ang tinatawag na tengkulu, isang piraso ng tela na kanilang binubuklod palibot sa kanilang ulo.


Ang mga alahas din ay may mahalagang papel sa kanilang buhay. Ang ilan pa nga rito ay pinaniniwalaang epektibo laban sa mga lason at sumpa. Ang mga babae ay may mga hikaw na kahoy na halos tatlong sentimetro ang lapad. Ito ay nababalutan ng ginto,pilak o di kaya'y tanso. Mga kuwintas na kung tawagin ay balungkag na hinuhubog nila sa iba't-ibang disenyo gamit ang mga kabibe, maliliit na beads, ngipin ng buwaya o di kaya'y mga kristal na may iba't-ibang kulay. Meron ding tinatawag na sinakit, isang kuwintas na sinukat sa laki at lapad ng leeg. Ang para sa mga lalaki ay isang sinakit na hinugis na tila likod ng isang sawa.


Marami pa silang mga dekorasyon sa katawan gaya ng tattoo, panggilid sa ngipin at pulseras ng iba't-ibang uri at laki.


Gumagawa rin sila ng mga bagay-bagay na magagamit nila sa pang-araw-araw na buhay. May mga sombrero na gawa sa kawayan at erik-ik o anahaw. Marami silang basket para sa iba't-ibang gamit. May basket para sa isda, bigas at mga pang-imbak.


Ang mga Manobo ay mayaman rin pagdating sa kanilang pagsulat.Mayroong atukon, bugtong, salawikain, panonggelengan, katutubong kuwento, pabula, epiko at nakakatuwang kuwento.


Ang Manobo ng Modernong Panahon


Kung tatanungin man ninyo kung mayroon pa bang mga Manobo sa panahon ngayon, sigurado ang aming grupo sa aming isasagot, OO, nananatiling buhay ang grupong ito at patuloy na hinaharap ang magandang kinabukasan na para sa kanila'y lubos na pinapahalagahan. Sa isang maliit na bayan ng Tacloban City, Leyte, hindi namin inakalang magkakaroon kami ng pagkakataong makakita at di lamang makakita kundi makisalamuha kahit lamang sa maikling panahon. Ang kanina pang binabanggit sa blog na ito na aming nakunan ng personal na mga sagot sa aming mga katanungan, na ang ngalan ay Divina, ba-i kung tawagin ang isang pinunong babae na Manobo. Ayon sa kanyang pahayag, mayroon din silang katutubong pangalan na hindi maaaring maibahagi sa amin sapagkat ito'y parang kanilang "password" na tanging silang mga katutubong Manobo lamang ang may karapatang sumambit sa mga sitwasyong alanganin.






Si Bai,habang tumatanggap ng isang parangal...



Ngayon po ay tunghayan natin ang ilan sa mga katibayang nagpapatunay na buhay pa rin ang kulturang Manobo magpasahanggang ngayon...





12 (mga) puna:

michelle mabelle said...

ano ang mga nito,pabula,bulong,salawikain,kasabihan,awit,bugtong,palaisipan nang mga manobo?

Patrisyummy Montes said...

salamat at labis itong nakakatulong na blog para sa aming pananaliksik.

Unknown said...

Salamat sa blog nato :) God bless

Unknown said...

Salamat sa blog nato :) God bless

Unknown said...

Ano ano po ba ang mga pinanini walaan ng mga manobo tungko sa natural disasters? Sana po matulungan nyo ako para sa research ko

Anonymous said...

ano po b ang kasingkahulugan ng timuay?tnx po

Unknown said...

Mayroon po bang tula ang mga manobo? Kung meron ,ano po ba ang mga ito?

Msoeoehehe3on said...

Ano ang mga kasuotan ng manobo sa kanilang kasal?

Unknown said...

Salamat po nakatulong po kayo sa assignment ng kapatid ko😊

Unknown said...

Sino ba ang mga diyos ng manobo?

Unknown said...

Sino/ano ang itinuturing na makapangyarihan ng mga Manobo?

Unknown said...

Magandang umaga po. Maari ko po ba itong ganitong basehan sa gagawin kong project namin? Manobo tribe Kasi ang napili kong gawan ng content sa vlog na project namin sa kontekstwalisado. Sana ay okay lang po sainyu.