Balangiga, Eastern Samar- isang lugar sa Silangang Samar na di man lamang kapansin pansin. Kung ang Silangang Samar nga ay din na kapansin pansin, ano pa kaya ang isang maliit na bayang ito na para na lamang isang tuldok kung ating titingnan sa mapa ng mundo. Ngunit lingid sa kaalaman ng karamihan, ang maliit na bayang ito ay napakahalaga para sa ating mga Pilipino. Para itong isang mumunting bulaklak na di kapansin pansin ngunit kung ating susuriin ay may mahalaga palang papel, isang papel na kung saan mas mahalaga pa pala sa mga malalking mga bulaklak na madaling mamukadkad ngunit madali ring malanta. Oo nga’t ang Balangiga ay di man lamang maikukumpara sa Cebu na napakalaki at napakaunlad, ngunit sa munting bayang ito ay minsan palang nanaig ang katapangan at katatagan ng ating mga katutubong ninuno.
Tama, ang ating mga ninuno mula sa mumunting bayang ito ay nagkaroon ng lakas ng loob upang panindigan at ipaglaban ang ating bayan, ang kanilang minamahal na bayan. Ayon sa libro ni Agoncillo, sa bayan ng Balangiga dumanak ang dugo ng mga katutubong Waraynon, di lamang sa libro ni Agoncillo kundi sa halos lahat ng mga babasahing pangkasaysayan. Ayon sa mga kuwento, nagplano ang mga “rebeldeng” mga Pilipino na sugurin ang mga Amerikanong mananakop sa mga panahong hindi sila handa. Isang umaga habang kumakain ng almusal ang mga tropang Kano, sumugod ang ating mga katutubong Waray sa kuta ng mga Kanong ito at gamit ang kanilang mga bolo ay pinagtataga nila ang kada isang sundalong Kano na kanilang malalapitan. Ngunit di nagtagumpay ang ating mga dakilang mga ninuno na tinuturing na mga rebelde ng pamahalaan na tinayo ng mga Amerikanong mananakop, sapagkat ano nga ba ang laban ng mga bolong gamit nila sa mga baril at mga makabagong armas na ginagamit ng mga Kanong ito. Isang daan at walumpu ang mga Pilipinong nangamatay at ang karamihan sa kanila ay namatay ng ganun ganun na lamang, kumbaga nga ay, “Isang Bala ka lang”, ganun ang paraan ng kanilang pagkamatay. Ngunit ang mga nagtangkang tumakas na mga sundalong Kano ay tinaga ng mga katutubong Waray gamit ang kanilang mga bolo hanggang sa halos hindi na makilala ang mga sundalong Kanong ito.
Pagkatapos ng madugo at hindi maka- taong labanan sa pagitan ng mga katutubong Waraynon at sundalong Kano, agad na ipinautos ni Theodore Roosevelt, ang pangulo ng Estados Unidos ng mga panahong iyon, na sakupin ang buong Samar upang hindi na maulit ang ganoong mga pangyayari. At ito ang naging dahilan upang ang Balangiga ay parang isang lugar na tinambakan ng mga lantang damo upang sunugin. Hindi ba’t napakahayop ng mga Amerikanong ito upang sunugin ng basta basta na lamang ang ating mga katutubo na parang mga basura? Si Heneral Jacob Smith ang nag utos upang patayin at sunugin ang bayan ng Balangiga. Patayin ang sinumang hahawak ng kahit anong klase ng armas, kahit ang isang batang nasa sampung taong gulang pa lamang. Ganitong klase ban g mga tao ang ating kailangang idolohin at tingalain? Kahiya- hiya, ito lamang ang aking masasabi sa mga taong tinitingala ang mga taong trumato sa ating mga katutubong ninuno na parang mga hayop, di nga lamang parang mga hayop kundi bilang mga walang buhay na mga nilalang.
Kung ang mga Espanyol ay mga hayop at lapastangan, hindi ko na mahanap ang tamang mga salita upang ilarawan kung gaano kawalang hiya ang mga Amerikanong nanakop sa ating bansa. Mas magaling lamang magtago ng pagkakamali ang mga Kanong ito kesa sa mga Espanyol at mga Hapones na nanakop rin sa ating bansa. Hindi ko lubos maisip na pinangarap kong mapunta sa Estados Unidos at manirahan doon. Bago pa man ako nagkaroon ng ganito kalalim na kaalaman sa ating kasaysayan, inaamin kong pinangarap ko nga talagang mamuhay ng masagana sa bansang iyon. Ngunit ngayong nalaman ko na kung ano ang naging karanasan ng ating mga ninuno, ikinahiya ko rin ang ganitong pangarap. Isipin niyo na lamang, mapupunta ka sa isang lugar na minsan ng tinuring ang iyong lahi bilang napakababang uri. Hindi ko maipaliwanag kung ano itong aking saloobin ng malaman ko anfg walang awang pagpatay ng mga Kanong mananakop sa ating mga ninuno.
Kung ang aking pagbabasehan ay ang pangyayari sa Balangiga, siguro’y hindi ko na kinakailangang pahabain pa ang aking paliwanag kung gaano ako namumuhi’t nasusuklam sa mga Amerikanong ito. Oo, kinamumuhian at kinasusuklaman ko ang kanilang lahi. Marahil ay hindi lamang ako ang nag- iisang nakakramdam ng ganito katinding pagkasuklam at pagkamuhi sa lahing Amerikano, alam ko na marami pa sa ating mga kababayan na may sapat na kaalaman ang may ganitong saloobin para sa mga Amerikano. Anong karapatn nilang kitilin ang mga buhay ng ating mga ninunong nagging tapat sa baying kanilang sinilangan? Ani nga ba? Ano ba rin ang karapatan nilang kitilin ang buhay ng isang musmos na batang may gulang na sampung taon lamang? Hindi ba pa sapat na dahilan ito upang maipagtanggol ko ang aking sarili sa pagkakaroon ng ganitong sloobin para sa kanila? Ikaw mismo, bilang isang Pilipino ang humusga sa akin na isang simpleng mag- aaral ng kasaysayan at nagkaroon ng malalim na kaalaman ukol sa ganitong usapin.
Itinago ng mga Kano na nakabase sa ating bansa noong mga panahong iyon sa kanilang mga kababayan ang kanilang mga ginawang mga kahayupan sa ating mga ninuno. Hindi nila isiniwalat kung ano ang totoong pangyayari sa loob ng Pilipinas. Ipinalabas pa nila na ang ating mga ninuno ay ang mganagtangkang manira’t mang gulo sa pamahalaang kaning itinayo. Sa palagay ba ninyo, paano ba magagawang mang gulo ng mga katutubong Pilipino sa kanilang sariling bayan? Ikaw, sa kasalukuyang sitwasyon, pang gugulo ba ang ipaglaban ang iyong karapatan bilang isang mamamayan ng bansang ito? Kung kaya’t ang tingin ng mga tao sa Estados Unidos sa atin ay mga taong primitibo, mga taong hindi pa man lamang nagkaroon ng kaalaman kung ano ang sibilisasyon. Lahat sila ay ganito ang iniisip sa atin, lahat, at bawat isang Amerikano. At kumbaga sa Ingles, “It runs on the blood”. Kahit sino pa man na Amerikano ang aking makaharap, hindi na mawawaglit kahit isang saglit sa aking isipan kung ano ang dinanas ng ating mga ninuno sa mga hayop na mga kanong ito. Pare- parehas lamang sila, mga walang puso’t ang kanilang mga kaluluwa’y sinusunog na sa impyerno. Hindi man sila ang mga taong may gawa nito sa ating mga ninuno, ang katotohanan na sila ang isa sa naging dahilan kung bakit tayo naging ganito ka miserable, siguro ay sapat na nga talagang rason ang pangyayari sa makasaysayang Balangiga upang ako’y makaramdam ng ganitong klase ng pagkamuhi’t pagkasuklam para sa lahi ng mga Amerikano.
Isang mumunting bayan na nagpasiklab ng aking damdamin para sa mga Amerikano- ang bayan ng Balangiga. Ang bayang may maliit na daungan na dating matiwasay, isang daan at pito na ang nakakalipas, ay ngayo’y isang bayan na naka tatak sa aking puso na bayan na nagging dahilan ng aking matinding pagkasuklam at pagkamuhi sa buong lahi ng mga Amerikano.
Gawa ni:
Ngalimtanon
Wednesday, October 8, 2008
Balangiga: Pagkatapos ng 107 na Taon
Ipinaskil ni Manobo Tribe sa 2:28 AM 2 (mga) puna
Sunday, September 14, 2008
Ang Pilipinas: Noon at Ngayon. Mayroon nga bang Pagbabago?
Reporma, ito ang agarang aksyon na kinakaikalangan ng ating bayan sa ngayon. Kung hindi magkakaroon ng agarang reporma ukol sa mga kasalukuyang mga kaganapan sa ating bayan, patuloy na malulugmok ang ating bansa sa krisis at kahirapan. Bilang mga mag- aaral ng prestihiyosong Unibersidad ng Pilipinas, isang malaking hakbang ang mga ganitong mga panulat upang mamulat ang ating mga kababayan sa kung ano sa dapat ang kinakailangang aksyon at kung alin ang kinakailangang aksyunan. Bilang mga mamamayan ng bansang ito, responsabilidad naming ipakalap ang mga nalilikom na mga datos ukol sa mga kaganapan sa ngayon para sa kaalaman ng lahat.
Noong panahon ng Espanyol, may mga tao ring naging responsable't ninais ang reporma sa ating bayan. Isa na rito ang ating kinikilalang Pambansang Bayani, si Gat Jose Rizal. Gamit ang kanyang papel at panulat, ipinahiwatig niya ang nais na mangyari ng ilan sa ating mga kababayan. Isa siya sa mga naniwalang pakikinggan sila ng mga tampalasang mga Espanyol na ito sa mismong kanilang bansa.
Si Gat Jose Rizal ay ipinanganak noong Hunyo 19, 1861 sa Kalamba, Laguna, anak nina Francisco Mercado at Teodora Alonzo. Sa kanyang murang edad ay namulat na siya sa karahasang nangyayari sa ating bansa noong kanyang panahon. Maging ang kanyang sariling ina'y naging biktima ng kawalang hustisya't nakulong pa. Naging malaki ang epekto niyon sa batang Rizal at ito nga ay isa sa naging sanhi ng kanyang nais na ipaglaban ang kanyang kinamulatang bayan. Noong siya ay labinwalong taong gulang ay nanalo ang kanyang panulat na A La Juventud Filipina. At sumunod naman ay ang El Consejo de los Dioses, na nakapasok bilang isa sa pinakamagagaling na gawa ngunit hindi nakamit ang karampatang premyo dahil lamang sa simpleng rason na ito'y gawa ng isang Pilipino. Noong kolehiyo nga ay nag- aral siya sa Unibersidad ng Sto. Tomas at ng siya'y dalawampu't isang taong gulang, lumipad siya patingong Espanya't doo'y nag- aral ng medisina.
Dahil sa likas na mabuti ang kalooban ni Rizal at hindi niya nais na idaan sa dahas ang paghingi ng reporma, idinaan niya sa paggawa ng mga nobeta't mga pang- literaturang mga panulat ang kanyang mga nais ipahiwatig sa mga opisyal ng Espanya. Isa na rito ang kanyang tanyag na Noli Me Tangere na ang ibig sabihi'y "Touch me not". Ito'y isang nobela na hango sa sariling mga karanasan ni Rizal. Subalit marami pa rin ang nag- akalang ito'y piksyunal at hindi makatotohanan. Ngunit ayon nga sa sulat ni Rizal sa isang magaling na pintor na si Felix Resureccion Hidalgo na ang kabuuan ng nobelang ito'y hango sa Bibliya sa libro ni San Juan na sinasabing "Wag mo akong hawakan". Ang librong ito ay kinapapalooban ng mga bagay na kahit sino pa man ay walang lakas ng loob na gawin. Sa librong ito'y ipinahayag niya kung gaano kawalang hiya't kawalang respeto ang mga prayle't pari sa mga kababaihan at pati ang kanilang moralidad ay kanilang tinapakan. Ginagamit din nila ang salita ng Diyos upang makalikom ng pera para sa kanilang mga bisyo't pa nsariling interes. At isa nga ito sa kanyang mga nais na mareporma.
At kalauna'y nagawa nya rin ang nobelang El Filibusterismo. Ang nobelang ito nama'y kinapapalooban ng mga pampulitikal na usapin di tulad ng kanyang naunang nobelang Noli. Nasabi niya sa paring si Padre Florentino na hindi niya gustong sabihing ang paggamit ng dahas ang magiging dahilan ng ating kalayaan dahil ito'y may maliit lamang na parteng ginagampanan sa modernong mga usapin subalit kinakailangan din nating maging karapat- dapat para sa kalayaan ito. Kailangan natin ng sapat na kaalaman at dignidad upang tayong lahat ay maging karapart dapat sa kalayaang ating ipinaglalaban at handang ibuwis ang ating buhay para sa bayang kinalakhan at kinabibilangan. At kapag naabot nga ng mga tao ang ganitong klase ng paniniwala, mismong ang Dakilang Lumikha na ang sisira sa mga maling paniniwala at mga idolo at ang kalayaang inaasam ay atin ngang makakamtan.
Naging malaki ang epekto si Rizal at ang kanyang mga gawa para sa mga mamamayang Pilipino noong mga panahong iyon. At para sa aming grupo, may mga bagay nga naman kaming sinang- ayunan sa mga ninais na reporma't pamamaraan. Tulad na lamang ng paggamit ng salita at hindi ng dahas. Marahil nga'y sa isip ni rizal na hindi kailanman madaan ang lahat sa marahas na pamamaraan, ngunit kung titingnan natin na likas na sa ating mga katutubong Pilipino na gumamit ng ganitong pamamaraan kung hinsi na madala dala sa simpleng pakiusap at pakikipagtalastasan. At sa kaso nga ng mga tampalasang mga Espanyo na mananakop, talagang hindi na sila madadala sa simpleng pakiusap. Kailangan na ring tumayo ng mga Pilipino para ipaglaban ang dapat na kanila at ang mga pang aabuso sa kanila sa mga panahong iyon. Isa pa nga sa nais mareporma ni Rizal aya ng mga gawi ng mga prayle't pari na namamalagi dito sa ating bansa. Ang kawalang hiyaan at pagpababa ng moralidad ng karamihan sa ating mga Pilipina noon ay aming sinasang- ayunan. Paano nga naman magiging mga sugo ng Dakilang Lumikha ang ganitong klase ng mga tao na walang ibang ginawa kundi ang gamitin ang mismong salita ng Diyos upang makalikom ng pera para magamit sa kanilang mga bisyo't di man lamang napupunta sa kanilang sinasabing simbahan. Niloloko nila't nililinlang ang mga mamamayang Pilipino gamit ang salita ng Diyos para lamang mapunan ang kanilang sariling interes na hindi naman dapat na ugali ng isang alagad ng Diyos. Kinokondena namin ang ganitong mga gawi ng mga taong ito na ipinapakilala nila ang kanilang mga sariling mga alagad ng Diyos ngunit salungat naman ang kanilang mga tinuturo.
HIndi naman talagang kontra si Rizal sa rebolusyon. Ngunit ayon sa kanyang mga nakikita, hindi pa handa ang ating bansa sa isang malaking pag- aalsa tulad ng rebolusyon. Ano nga ba namang magagawa ng mga bolo sa mga baril na armas ng mga Espanyol. Para kay Rizal ay hindi sapat ang ating lakas at kaalaman sa makabagong mga sandata ng mga kalaban. Kaya nga mas ninais pa siguro ni Rizal na kilalanin na lamang ng Espanya ang Pilipinas bilang isang probinsya upangmatamasa ang kalayaan na tinatamasa ng mga Espanyol na naninirahan sa ating bansa at magkaroon ng kinatawan sa Consejo upang maging boses ng buong PIlipinas.
Ukol naman sa usaping ito, hindi kami sang- ayon sa layon ni Rizal na maging isang probinsya lamang ng bansang Espanya sapagkat ng nakarating ang mga Espanyol dito sa ating bansa ay may sarili na tayong pamamaraan ng pamumuhay at ito'y kanilang binago't inalis sa kanilang pananakop at pamamahala ng lupang kailanma'y di naging kanila at sapilitan lamang nilang binuklod ang ating bansa sa kanilang bansa sa pamamagitan ng pagsakop. Isa pa'y bakit kailangan pa nating maging simpleng probinya't kaparte pa ng mga tampalasang ito kung maaari rin lamang namang maging isang bansa na di kailangan ng superbisyon galing sa mga dayuhang tulad nila at kung matatamasa rin naman ang kalayaan kanilang sinsabi kung tayo'y hindi na bubuklod sa kanila.
Ngunit ang ideya ng La Liga Filipina ay isinasantabi ang ilan sa mga inaasam na reporma ng mga kaisa ni Gat Jose Rizal. Ang mithiin ng Liga ay: 1) ang pagkakaisa ng ating bansa, 2) parehas na pangangalaga at pagprotekta sa lahat ng oras, 3) depensa laban sa kawalang hustisya, 4) ang pag papahalaga sa edukayon, agrikultura at komersyo, at 5) ang pag- aaral at pagsasabuhay ng mga reporma. Kung ito ang ating pagbabasehan ay talagang sang ayon ang aming grupo dito. Hindi maitatanggi na kailangan pa rin ng isang makabagong La Liga Filipina ang Pilipinas.
Sa kabilang banda, heto si Andres Bonifacio, isang taong nais ding ipaglaban ang kanyang Inang Bayan na kahit hindi sapat ang kanyang pinag- aralan, hindi ito naging hadlang upang pamunuan ang grupo ng mga mamamayang Pilipino na naglalayon din na ipaglaban ang kanilang Inang Bayan. Tulad ni Rizal ay isa rin siyang dakilang tao na naging handa na ibuwis ang kanyang sariling buhay para sa kapakanan ng kanyang Inang Bayan, isang tao na hindi na inisip kung ano pa man ang magiging kapalit kung para naman sa kanyang bayang minamahal.
Si Andres Bonifacio ang siyang nagtatag at nagpasimula ng Katipunan, ipinanganak sa Tondo, Maynila nooong Nobyembre 30, 1863. Ang kaniyang mga magulang ay sina Santiago Bonifacio at Catalina de Castro. May kalakihan ang kaniyang kinalakhang pamilya. Mayroon siyang tatlong kapatid na lalaki at dalawang kapatid na babae: sina Ciriaco, Procopio, Espiridiona, Troadio at Maxima. Sa kanyang kabataan ay nakaranas din diyang makapag- aral sa tulong ng isang Guillermo OsmeƱa ng Cebu. Ngunit sa kasamaang palad, ang batang Andres ay maaga ding naulila na siyang naging dahilan ng kanyang pagtigil sa pag- aaral. Kinailangan niyang magtrabaho upang mabuhay ang kanyang pamilya. Sa likas niyang talento'y nakagawa nga siya ng mga pamaypay at canes na likha sa papel de hapon na naging pangunahing pinagkukunan nga ng kanilang pang araw- araw na pangangailangan. Sa kabing banda, hindi pa rin naalis kay Andres Bonifacio ang hilig sa mga libro kung kaya't sa kanyang mga libreng oras ay nagbabasa siya ng libro. Hindi niya pinalampas ang mga panulat ni Rizal, nakapagbasa rin siya ng mga tanyag na mga nobela noong kanyang panahon at kung inaakala ng lahat na salat siya sa kaalaman, isang malaking pagkakamali ito. Si Ginoong Bonifacio ay nakakapagsalita ng wikang Kastila kahit na hindi siya nakapasok sa paaralan tulad ng mga dakilang sina Jose Rizal o Graciano Lopez Jaena o di kaya naman si Marcelo H. del Pilar. Dahil sa kakulangan ng kanyang kinikita upang matustusan ang kanilang pangangailangan, kinaliangan niyang mamasukan bilang isang mensahero. Ngunit kinakitaan siya ng kanyang mga amo ng pagkamatapat at pagiging masigasig sa kanyang trabaho, naging ahente siya ng kumpanyang kanyang pinapasukan. Subalit sa kasamaang palad, hindi pa rin kinaya ng kanyang kita sa kumpanyang iyon ang kanyang kita, kinailangan nya na namang maghanap ng bagong trabaho't mamasukan sa ibang kumpanya at napasok nga siya sa Fressell and Company bilang ahente.
Naging unang asawa niya ng isang Monica, ngunit di nagtagal ang kanilang pagsasama sapagkat si Monica'y namatay nang gahil sa sakit na leprosy. Noong taong 1892, nakilala nga niya ang kaniyang ikalawang asawang si Gregoria de Jesus ng Kalookan. Pagkatapos ng kanilang kasal sa simbahan ng Binondo ay kinasal muli alinsunod sa kasulatan ng Katipunan. At pagkatapos nga ng kanilang kasal, binigyan siya ng bansag na Lakambini at siya ang namuno ng Katipunan ng mga Kababaihan.
Ngunit kahit na si G. Bonifacio ang siyang nagtatag ng Katipunan, hindi niya ninais na panghawakan at pamunuan ng ganun ganun na lamang ang organisasyong ito. Ang unang naging Supremo ng organisayon ay si Deodato Arellano. Ngunit hindi nagustuhan ni Bonifacio ang pamumuno ni Arellano kung kaya't tinanggal niya ito sa posisyon at inilagay naman niya sa pwesto si Roman Basa. Sa kasamaang palad, noong taong 1895, napagtanto nga niya na parehas lamang sina Basa't Arellano kung kaya't si siya na mismo ang namuno ng Katipunang kaniyang itinatag.
Ang Katipunang ito'y naging bunga ng pagkakakulong ni Rizal sa Dapitan at pagkabuwag ng La Liga Filipina.
Ngunit sa kabilang banda, hindi makatarungan ang kaniyang pagkamatay. kinasuhan siya ng pagtataksil sa Katipunan na kung saan siya ang nagtatag at dugo't pawis ang kaniyang inilaan upang makamit ang kalayaang kaniyang ninais di lamang para sa kanyang sarili at sa kaniyang pamilya pati na rin sa kaniyang minamahal na mga kababayan at Inang Bayan.
Paano niya magagawang pagtaksilan ang bayan na minahal niya ng lubos at hindi man lamang siya nag- alinlangan na ibuhos ang kaniyang buong oras, lakas at kaalaman para sa bayan. Hindi makatarungan, hindi patas at hindi tama ang kaniyang pagkamatay. At isang traydor pa ang humalili sa kaniyang pwesto bilang Supremo, si Aguinaldo, ang tinuturing na kauna- unahang Presidente ng ating bansa. Kung isang taksil ang ating presidente, malamang nga ay isang malaking patunay na ang mga sumunod na mga presidente ay may ginawa ring pagtataksil sa ating bansa.
Hindi man lamang naipagpatuloy ang mga mithiin ni Bonifacio, ang mga magagandang pangarap ng isang magiting na mandirigma na layon lamang ang kalayaan na dapat sana'y kanila man lamang natikman. Ngunit isang malaking pasalamat pa rin kay Bonifacio sapagkat kung hindi man sa kaniyang kadakilaan, hindi natin malalaman kung sino ba talaga ang mayroon malasakit sa ating bansa na tulad ng kay Gat Jose Rizal, Graciano Lopez Jaena at iba pang mga naglayon ng reporma. At dapat nga siguro’y may pantay na pagtingin kay Rizal at Bonifacio. At kung ating susuriin, mas nakalalamang pa nga si Ginoong Bonifacio sapagkat hindi nagging hadlang ang kahirapan at hindi pagkakaroon ng isang mataas na pinag- aralan upang maipaglaban ang alam niyang tama. Hindi man sila parehas ng pamamaraan na ginamit, parehas nilang mahal ang kanilang Inang Bayan at naging handa sila sa kung ano man ang magiging kapalit nito kahit pa ang kanilang buhay.
Di man nagtagumpay ang mga dakila nating mga bayani, nagkaroon pa rin sila ng napakalaking kontribusyon para sa ating lahi. At hanggang ngayon nga’y nasa gitna pa rin tayo ng isang giyera. Giyera na hindi man lamang tayo manalo nalo sapagkat hindi isa ang ating puso’t damdamin para magkaisa’t itayong muli ang ating bayan na nalugmok sa isang malaking kanal na hinukay ng mga dayuhan at naunang mga namuno’t namalakad sa ating bansa.
Kung kami man ay magtatayo ng isang organisasyon tulad ng La Liga Filipina at Katipunan, siyempre ang aming unang magiging layon ay ang pagbabago n gating gobyerno at ng mga namumuno. Dapat nilang alamin ang mga pangangailangan n gating bansa at tulad ng mga sinaunang mga bayani ay isantabi muna nila nag kanilang mga pansariling interes at unahin nila nang kanilang bayan na dapat na minamahal at hindi pinagtataksilan at ginugulangan.
Ikalawang magiging layon n gaming grupo ay ang pantay na karapatang pantao. Ang ating bansa ay parang para sa mga maykaya lamang. Tulad na lamang sa hustisya, kung wala kang pera, wala rin sayo ang hustisya. Paano ba tayo uunlad kung hindi mapatupad- tupad ang mga batas na nakasaad sa ating Konstitusyon? Ang mga husgadong mga natatapalan ng pera ay dapat matanggalan ng lisensya sapagkat isang malaking pagkaksala laban sa batas ang hindi pagpataw ng kaukulang parusa sa mga nagkasala, mayaman man o mahirap. Para saan pa nga ba ang Konstitusyon kung hindi naman pala ito masusunod?
Ikatlo ay ang pagkakaisa ng ating bansa. Hindi naman kaila sa ating lahat na ating bansa ay hindi na nabubuklod bilang isa. Tingnan na lamang nating ang mga OFW. Kailangan pa nilang limabas ng bansa para magtrabaho sa ibang nasyon at makalikom ng pera. Kung mas marami ang lalabas ng bansa, mas babagsak an gating ekonomiya. Dapat marahil na an gating ekonomiya ang siyang tinututukan ng mga nasa posisyon, hindi ang pagpaparami ng pera sa kanilng mga bulsa.
Sa tatlong layuning ito magiging ugat ang mas malalalim pang mga layunin na kung sana’y mas maraming tao lamang ang nagmamahal sa ating bayan ay di malayong maging makatotohanan.
References:
Agoncillo. History of the Filipino People.
Zaide, Sonia et. al. The Philippines: a Unique Nation
Ipinaskil ni Manobo Tribe sa 5:30 PM 2 (mga) puna
Sunday, August 17, 2008
Ikalawang Blog
Tatlong dantaon- hindi bat napakatagal na panahon nito? Ngunit ayon sa ating kasaysayan, ganoon katagal nasakop ng bansang Espanya ang ating bansa. Para bang hindi man lamang napansin ng ating mga katutubong ninuno na ganoon na pala sila napapasakamay ng mga mararahas at malulupit na mga Espanyol na iyon. Sa tinagal tagal ng kanilang pagkakasakop nila sa atin, hindi man laman ba sila gumawa ng kahit anong paraan upang mabawi nila ang kalayaan na minsan din nilang nakamit? Hindi man lamang ba nila inasam na maging malaya sila sa lahat ng aspeto ng kanilang buhay? At bakit nga ba gonoon katagal nasakop ng mga Espanyol ang ating bansa? Paano nilang napamunuan ang ating bansa sa ganoong katagal na panahon na hindi man lamang sila napatalsik? Ano ang kanilang mga naging pamamaraan?
Napakahabang panahon ang ginugol ng mga Espanyol upang pamunuan ang ating bansa. Ngunit bakit? Nagsimula lamang ito sa simpleng pag-interes sa mayamang yamang- likas ng Pilipinas kung kaya't ito ang naging sanhi sa tatlong dantaon at higit pa na pagkakasakop ng ating bansa.
Romano Katolisismo
Ang Romano Katolisismo ay ang una't isa sa pinaka- epektibong pamamaraan na ginamit ng mga Espanyol upang masakop nga ng tuluyan ang ating bansa. Ngunit sa paanong paraan ba nila napakalap ang relihiyong ito na halos lahat ng mga katutubong Pilipino ay kanilang napabinyagan ng ganun ganun na lamang na para bang isang masarap na pagkain na inihain sa ating mga katutubo at kahit na hindi sila ganoon kapamilyar dit o ay napakadali para sa kanila na tanggapin ito? Para sa dagdag kaalaman ng lahat, ang ating bansa ay nahahati sa mga barangay na kung saan ang bawat barangay na ito ay pinamumunuan ng isang Raja at hindi lamang sila mga simpleng pinuno, sila ay kinikilala bilang kataas- taasang pinuno sa lahat ng aspeto ng kanilang pangkomunidad na mga bagay. Malaki ang tiwala ng mga nasasakupan ng mga Raja na ito sa kanila sapagkat sila ay pinaniniwalaang may mataas na kaalaman sa lahat ng mga bagay.
Ang unang Raja na napabinyagan sa relihiyong Katoliko ay si Raja Humabon ng Cebu. Nang dumaong ang unang paglalayag sa Pilipinas ng mga dayuhan ng Yuropeyo at mula na sila sa iba't ibang panig ng Visayas, sila ay naituro sa Cebu sapagkat dito daw marahil nila matatagpuan ang kanilang hanap. Isang maginoo ang kanilang pinunong kapitan na si Magellan kung kaya't naging mainit din ang pagtanggap ng mga nasakupan ni Raja Humabon sa mga ito, bukod sa natural na pagiging pala- kaibigan ng ating mga katutubong ninuno. At nang ipakilala nga ng mga kasamahan na mga prayle't pari ang kanilang panrelihiyong paniniwala, di man natin malaman kung bakit nga ba ganoon na lamang ang naging tiwala ng ating ninunong si Raja Humabon kung bakit napakadali para sa kanya ang tanggapin ang isang di man lamang pamilyar na bagay galing din sa mga di pamilyar na mga tao. At dahil nga sa pagpapabinyag ng kanilang kataas- taasang pinuno, hindi na nahirapan ang mga Espanyol na pabinyagan rin ang sakop nito. At di naglaon nga'y ang mga karatig- barangay ay nagawa rin nilang pabinyagan at sa pagbalik nga ng mga dayuhan ay nanilwala ang ating mga katutubong ninuno na ganoon lamang ang pakay sa kanila ng mga mananakop na ito. Di lamang nila alam na hindi lamang pala ganoon kasimple ang lahat pagkatapos ng kanilang pagpapabinyag.
Ang mga prayle't pari na nga ang naging pinakamaimpluwenysa sapagkat ang kanilang pagpapabinyag ay ang una pa lamang palang baitang ng kanilang planong pananakop at tuluyang pamumuno sa buong kapuluan ng Pilipinas. Lahat ng sabihin ng pinuno ng simbahan ay kanilang dapat na sundin agad agaran dahil na rin sila ay pinaniniwalaang "sugo ng Dakilang Lumikha". Sa kanilang mga tinuro, totoo nga ba ang kanilang pagiging "sugo"?
Hindi na rin nakapagtataka kung maraming pagkakamali ang simbahang Katoliko sa panahon ngayon sapagkat ayon na rin sa ating kasaysayan, hindi naging ganoon kabait at karesponsable sa kanilang mga tunay na obligasyon ang mga paring ito. Hindi na rin alintana sa mga mamamayang Pilipino sa panahon ngayon namay baluktot ngang pag- uugali ang mga ito. Bakit nga ba?
Isang napakahalagang pangyayari sa kasalukuyan ang puwede nating ma-ilink sa ating ksaysayan. Isang Reproductive Health Bill ang minungkahi ng isang kongresistang tubong Tabaco, Albay (kalalawigan ni Ngalimtanon) na si Edsel Lagman na isang Katoliko. Ayon sa iminungkahing bill ay dapat daw na turuan na ang mga batang mag- aaral mula sa ikalimang baitang hanggang sa kanilang huling taon sa sekondarya ng tungkol sa iba't ibang aspeto ng pagtatalik. At ayon rin sa kanya, dapat ring ang mga kontraseptibong nga artipisyal ay maipakilala na sa mga mamamayang Pilipino upang hini na gaanong lumobo ang ating populasyon. Kung ating susuriin, marahil ay maganda nga talaga ang intensyon ng kongresistang ito ang ganitong mga bagay. Subalit agad itong kinondena ng simbahang Katoliko sapagkat labag daw ito sa batas ng Dakilang Lumikha. Ayon sa kanila ay dapat daw turuan na lamang sila ng tamang mga asal pagdating sa usapin ganito. Ngunit kung talagang desidido silang turuan ang mga mamamayang kabilang sa kanilang simbahan, bakit hinintay pa nilang umabot sa ganito? Bakit hindi na nila pinangunahan ang kanilang pagtuturo upang hindi na sila kumontra ng ganito sa isang mungkahi pa ga lamang at hindi pa naisasabatas?
Sa isang konkretong halimbawa na isinaad ng aming grupo kanina ay makikita nga natin na hindi tayo makakawala sa baliktot na paniniwala ng mga taga- simbahang Katoliko. Oo nga't labag ito sa batas ng langit ngunit hindi naman lingid sa kanling kaalaman ang ganitong mga pangyayari, bakit hindi agad sila nagsagawa ng malawakang pagtututro ng tamang mga asal ayon sa kanilang iminumungkahing alternatibong pamamaraan upang makatulong sa pagpigil sa paglaki ng ating populasyon? Sang- ayon man sila o hindi, dapat ay makita muna nila ang kanilang pagkakamali bago nila sitahin ang mga ginagawa ng mga pulitikong tulad ni Edsel Lagman. Sapagkat kung sa mas maagang panahon pa lamang sana siyang naturuan na kaniyang kinalakhan na simbahan, marahila y hindi na niya maiisip na lumikha pa ng ganitong klaseng batas.
Divide et Impera
Ang divide et impera ay isang pamamraan na kung saan ang ibig sabihin ay hatiin muna bago sakupin. Sa paraang ito ay gumagawa ng isang matatag na alyansa ang mga mananakop sa kanilang nais sakupin at nagbibigay ng kanilang buong suporta sa mga sumusuporta din sa kanila. Ganito nga ang nangyari kay Raja Humabon at Magellan. Nang pinaniwalaan ni Raja Humabon na isang kakampi si Magellan at ang kaniyang mortal na kaaway na si Datu Lapu- Lapu ng Mactan ay ibinigay naman ni Magellan ang kaniyang buong suporta't hindi man lamang siya nag- alinlangan na ipadala ang kaniyang buong hukbo upang lumaban sa hukbo ni Lapu- Lapu.
Bukod pa rito, naging madali para sa mga Espanyol ang ganitong pamamaraan sapagkat wala pang ideya ang ating mga ninuno sa isang matatag na bansa. Maari nating sisihin ang hindi pagkakaroon ng sapat na kaalaman tungkol sa kung ano ba talaga ang bumubuo ng isang bansa. Iba't iba ang mga nagpapalakad sa kada barangay, para bang ang kada barangay na ito ay isang bansa dahil sa pagkakaroon ng kani- kaniyang batas at pinuno na tangi nilang pinaniniwalaan at pinagkakatiwalaan. Dahil sa pagiging watak- watak ng ating mga katutubong ninuno, hindi man lamang sila nakabuo ng isang malakas na alyansa laban sa mga mananakop na ito.
Ngunit isang halimbawa ng matatag na pamunuan ang bagong tatag nag Bangsamoro sa timog ng ating bansa. Sa tinagal- tagal ng panahon ay ipinaglaban pa rin nila ang kanilang tinubuang lupa, magmula pa noong panahon pa lamang ng mga kolonyalismo ng mga Espanyol sa ating bansa. Kaya nga sila ay isang malaking hadlang para sa mga Espanyol dahil nais nilang mapalaya ng kanilang mga kababayan dahil sila pa lamang ang may kahit kaunting ideya sa kung ano ang isang bansa. Ang kanilang pagdating ay kinatatakutan nunit pinaghahandaan ng mga Espanyol at pinaniwala nila ang kaniulang mga sakop na lugar na ang mga Moro ang mga masama at may masamang hanagarin sa kanila kung kaya't kina- kailangan nila itong labanan. Ngunit tingnan natin ang nangyari sa kanila ngayon? Kahit ilan pang beses sila tinangkang masakop ng mga Espanyol ay wala pa rin silang naga sapgkat matatag at malawak na ang kanilang sakop na lugar at iisa lamang ang kanilnag tinuring na pinuno di tulad sa ibang panig ng ating bansa.
Isang matatag at pagkaka- isa ang kinakailangan ng isang bansa upang ito'y magtagumpay sa kanilang magandang mga hangarin at di masakop ng mga dayuhan at isang pinuno na may sapat na kaalaman at hindi dapat matinag ng kahit ano pang bagay. Iyon ang isa sa mga katangian ng mga Moro kung kaya't nanantili sila ng ganito katagal at hanggang ngayon ay matatag pa rin.
Reduccion
Ang reduccion ay isang paraan na kung saan tinipon ng mga Espanyol ang ating mga katutubong ninuno sa isang lugar sapagkat napansin ng mga Espanyol na ang mga tirahan ng ating mga ninuno ay masyadong kalat at kung ganoon man ang kanilang mga tirahan ay mahihirapan silang kumolekta ng mga buwis at marahil ay takot din silang baka hindi nila gaanong mamatyagan ang kanilang sakop at maisipan nilang mag- aklas laban sa kanila. Isa pang dahilan kung bakit nila tinipon ang mga katutubong kanilang sakop ay para madali nila itong mapabulaanan kung mayroon mga Moro na paparating sa pamamagitan ng pagpapabagting ng kampana ng simbahan at ang lahat ng mga tao'y magsisipasok na sa kanilang mga kabahayan at ang mga guwardya- sibil naman ay maghahanda sa pagsalakay ng mga Moro.
Ang mga kabahayan ay nakapalibot sa isang plaza. Sa ganitong paraan naging madali na para sa mga Espanyol na gawin ang lahat na mga transakyon sa mga kaawa- awang mga katutubong Pilipino tulad ng pangongolekta ng buwis at madali nilang nahuhuli kung sino man ang nagtatangkang magtraydor sa kanila.
Ang plaza ay saksi sa lahat ng pagmamalupit at pang- aalipusta ng mga walang hiyang mga Espanyol sa mga katutubong ninuno sa sarili pa mismo nilang bayan. Ang pagpapataw ng parusang garote at iba pang partusang kamatayan dahil sa kanilang nagawang laban sa nais ng mga prayle at sila mismo na tinuturing na mga alagad ng Dakilang Lumikha ang nagpapataw ng ganitong parusa sa oras na hindi nila nais ang nagawa ng isang mamamayan.
Marahil lahat tayo'y nagtataka kung bakit nga ba napakatagal na panahon napasakamay ng mga Espanyol ang ating bansa. Sa mga napahayag na mga pamamaraan, marahil ay nagiging medyo malinaw na ang lahat. Ngunit ang isa pang tanong ay kung may nagtangka man lamang bang pigilan ang mga pagmamalupit ng mga Espanyol sa kanila?
Personal na mga Motibo
Ayon sa mga nakalimbag na mga datos, pinatunayan nito na may mga pag- aalsang naganap na ang mga naging pinuno ay ang mismong mga datu at nga maharlika gayundin ang mga babayan at mga katalonan, na nawala ang kapangyarihan nang dumatin at sinakop ng mga Espanyol ang kanilang mga sasakupang bayan. Sa kadahilanang nais nilang manumbalik ang nakasanayang kultura't higit sa lahat upang maibalik ang kalayaang kanilang tinatamasa bago pa dumating ang mga mananakop na mga Espanyol.
Si Lakandula't Soliman ay nag- aklas noong taon noong 1574, parehong taon na inatake ni Limahong ang di gaanong protektado ng mga Espanyol- ang Intramuros. Bago pa nag- aklas si Lakandula ay tinatamasa niya at na kaniyang pamilya ang hindi na pagbabayad sa mga buwis at di na rin nila kailangang magtrabaho para sa kanilang polo, ito'y bago pa namatay si Legazpi. At nang mamatay nga si Legazpi, natitigl na ang lahat ng kanyang mga tinatamasang pagiging libresa iba't ibang mga bagay. nang maupo na s aposisyon si Lavezares na naging dahilan ng kaniyang pag- aaklas.
Isa pa si Tamblot ng Bohol na namuno rin ng isang pag- aaklas sa Bohol na gumamit ng mahika at pinaniwalaan ang kanilang katutubong relihiyon na siyang magsasalba sa kanilang lahat na nag- aklas laban sa mga Espanyol. Nais kasi niyang manumbalik ang paniniwalang katutubo ng mga Pilipino kung kaya't nagtayo siyan g isang hukbong mag- aaklas laban sa Espanya.
Kalauna'y nakarating ang balitang ito sa Carigara(Leyte) dahil kay Bangkaw, datu ng Limasawa na tumanggap kay Legazpi at adarang binigay ng hukbo ni Legazpi nang kanilang mga pangangailangan. Datapwa't bininyagana Katoliko sa murang ede, di pa rin niya magawang bitiwan ang kaniyang katutubong paniniwala't nagtayo pa ng isang templo ng mga diwata kasama ang babaylan na si Pagali. Tulad ng pag- aaklas ni Tamblot, gumamit din siya ng mga mahika't naniwala sa kanilang mga anito't diwata na sila'y maliligtas din sila upang makabuo ng isang hukbo at makapag-mipon ng mga taong maaari niyang makasama sa kaniyang pag- aaklas. Ngunit sa kasamaang palad, napatay ang kanilang pinuno't pati ang mga anak nito'y nadakip ngunit hindi ito naging dahilan para sila'y tumigil sa kanilang pakikidigmaan para sa kanilang kalyaan.
Ang pag- aaklas naman sa pangunguna ni Dagohoy ang pinakamatagal na nakatalang pag- aaklas na tumagal ng walumou't limang taon. Nang hindi payagan ng kanilang kura- paroko na si padre Gaspar Morales na ilibing ang kaniyang kapatid sa Katolikong pamamaraan, lalo siyang nagpursigeng makidiama't ipaglaban ang kanilang karapatan at kalayaan. Ngunit nasawi ang dakilang Dgohoy at di man lamang niya nakita ang tagumpay ng kaniyang sinimulang pag- aaklas.
Panrelihiyong Motibo
Dahil sa patuloy na pagkalat ng mga manankop sa iba't ibang panig ng bansa gamit ang kanilang pamamaraan na "Gospel, Gold, Glory". Madaming paraan ang ginawa ng mga Espanyol upang lubusang tanggapin ng mga katutubo ang relihiyong Katoliko ngunit ilan sa kanila ay hindi pa rin nagpasakop at hindi pumayag sa kagustuhan ng mga Espanyol na ang naging resulta ay ang pag- aaklas. Ilan sa mga ito ay ang mga pag- aaklas na pinamumunuan nila Miguel Lanab at Alababan(1652- 27), Tapar(1663), Francisco Rivera(1718), Ermano Apolinario de la Cruz(1840- 41) at syempre ang mga Muslim ng timog at mga Igorot ng Cordillera.
*Mga Reference:
Agoncillo, History og Filipino People
Ipinaskil ni Manobo Tribe sa 11:19 PM 1 (mga) puna
Wednesday, July 30, 2008
Ang Tribo ng Manobo
Maniniwala ba kayo kung sa pagbabasa ng blog na ito ay malalaman ninyong mayroon pa palang mga taong namumuhay sa liblib na lugar tulad ng kweba at nananatiling tapat sa mga sinaunang mga gawi ng ating mga ninuno? Hindi nga? Malamang ito ang una ninyong magiging reaksyon kung hindi naman ay "Talaga?", sa tonong parang hindi naniniwala at malamang ay isipin ninyong hindi talaga totoo ang mga naka-sulat dito kung kaya't may kaakibat itong mga patunay na kung saan ang sarili naming mga mata ay nasaksihan ang mga kuwentong nakapaloob sa blog na ito. Ang blog na ito para sa kaalaman ng lahat ay para sa aming History, na ang ibig sabihin ay ginawa lamang namin ito para magkaroon ng marka. Subalit nang aming masaksihan ang mga bagay na kanilang ikinabubuhay at kanilang mga pamamaraan, higit pa sa isang simpleng blog ang mga nakapaloob dito. Hindi lamang ito para sa aming instructor na si Ms. Rhemia Lee Pabelico kundi para sa mga estudyante di lamang ng bansang Pilipinas kundi pati na ng buong mundo; sa pamahalaang kahit kailan ay di man lamang pinapansin ang mga lathalain ng mga huwad na estudyante; di lamang ng mga rebeldeng iskolar ng bayan kundi pati na ng lahat na estudyante sa bansa; sa mga NGO's na nais makatulong sa mga taong pinilit na panatilihin ang sina-unang kultura ng ating bansa at pati na rin sa mga environmental advocates sa iba't-ibang panig ng mundo na nagkakainteres sa aming mga natuklasan at aming ibabahagi sa pamamagitan ng blog na ito.
Ang Manobo ay isa sa mga pinakamatandang tribo ng ating bansa na dapat na ipagmalaki sapagkat mayaman ang kanilang kultura na sana'y naipasa sa bawat Pilipino. Ang nasabing tribo ay tubong Agusan, isang lalawigan sa Mindanao, ito'y ayon sa aming naka-usap na isang tubong Agusan at kung maniniwala kayo ay isang Manobo. Ayon din sa kanya napakarami nilang mga Manobo at sila'y naninirahan sa iba't-ibang kabukiran sa Agusan.
Ang mga susunod ay ayon sa nasaliksik namin sa web.
MANOBO
Kasaysayan at Pinagmulan
Sino at ano nga ba ang nga Manobo? Saan ba talaga sila nagmula at anu-ano ang kanilang mga kaugalian na magpahanggang ngayon ay patuloy pa ring umiiral sa komunidad? Yan at ilan pang mga tanong ang balak at gustong sagutin ng blog na ito. Sisimulan natin sa kung ano ba ang ibig sabihin ng salitang "Manobo".Maraming mga sagot patungkol sa kung ano nga ba talaga ang ibig sabihin ng salitang Manobo. Ang isa ay nagsasabing: ang Manobo ay nangangahulugang 'tao' o 'mga tao';ikalawa ay ito raw ay nagmula sa salitang "Mansuba" mula sa salitang 'man' na nangangahulugang 'tao' at 'suba' na ang ibig sabihin ay 'ilog',ibig sabihin ang salitang "Mansuba" ay nangangahuligang "taong ilog" sapagkat karamihan sa kanila ay makikitang nakatira sa tabi ng mga ilog;ang ikatlo ay nagsasabi na ito raw ay nagmula sa salitang "Banobo", isang creek na kasalukuyang dumadaloy sa Ilog Pulange dalawang kilometro pababa ng Cotabato City;at ang ikaapat ay nagsasabi na ito ay galing sa salitang "man" na ang ibig sabihin naman ay "first o aboriginal" at "tuvu" na ang ibig sabihin ay "pagtubo o paglaki".
Ang mga manobo ay nagmula sa mga taong lagalag mula sa kanlurang bahagi ng Tsina. Karamihan sa kanila ay nakatira sa tabing-ilog, tabi ng mga burol at sa talampas sa maraming bahagi ng Mindanao. Sinasabing sila ay unang nanirahan sa mga lambak ng Ilog Pulangi subalit naghiwa-hiwalay sa pagdating ni Shariff Kabungsuan dahil sa pagtanggi ng ilan sa relihiyong Islam.
Ekonomiya at Industriya
Ang karaniwang industriya ng mga manobo ay ang kaingin. Ang pangunahing hanapbuhay ng mga manobo ay pagtatanim ng palay at mais. Marunong din silang mangisda,pangangaso at pagkuha ng "pulot". Dahil dito, nabuhay ang nga Manobo sa isang sagana at matiwasay na pamumuhay. Subalit, ang ilang nanirahan ng permanente ay natuto at nakuntento na lang sa pagtatanim ng niyog at pagcocopra.
Lipunan at Pamahalaan
Nauuri sa apat ang mga manobo: ang bagani, baylan,mga manggagawa at mga alipin. Ang mga bagani ay ang mga mandirigma na lumalaban sa nga digmaan at nagtatanggol sa pamayanan; ang mga baylan ay ang mga babae o lalaking pari at manggagamot; ang mga manggagawa ay ang mga magasasaka at ang mga alipin ay ang mga nakuha o mga nabihag nilang mga kalaban. pati mga katutubo ay pwede ring maging alipin kung sila'y naparusahan sa kanilang pagkakasala.
Pinamumunuan sila ng tatlo hanggang apat na timuay o bai (babaeng datu) depende sa lawak at pagkakalapit-lapit ng mga baranggay. Subalit, ang mga Manobo ay walang sistema ng pamunuan hanggang sa kalagitnaan ng ika-20 siglo.
Kaugalian at mga Paniniwala
Ang mga Manobo ay maraming paniniwala. Ilan dito ay ang paniniwala ng mga buntis na sila ay dapat manatili sa loob ng bahay kung pula ang kulay ng langit matapos lumubog ang araw. Ito ay dahil sa paniniwalang ang mga busaw (aswang) na uhaw sa dugo ay nasa paligid at nag-aabang sa biktima. Hindi rin sila maaring tumakbo kapag nasugatan ang paa sapagkat malalaglag ang kanilang pinagbubuntis.
Habang nanganganak ang babae,ang kumadrona ay naglalagay ng mga anting-anting sa bewang ng nanganganak. Ito ay upang ipagtanggol ang buntis sa mga masasamang anito sa paligid. Matapos manganak, nililinis ng kumadrona ang lahat ng bagay na ginamit sa panganganak upang maitaboy ang busaw. Biang kabayaran, ang kumadrona ay dapat bayaran ng maliit na kutsilyo upang linisin ang mga kuko; isang plato upang paglagyan ng dugo ng sinakripisyong manok; malong upang makapagbihis siya; at konting salapi upang hindi siya maglagay o magbitiw ng anumang sumpa sa pamilya.
Ang kasal naman ay kadalasang isang kasunduan sa pagitan ng mga magulang. Ito ay nagsisimula sa ginsa (paki-usap) ng pamilya ng babae sa pamilya ng lalaki kung saan ito ay magalang na tinatanggihan hanggang magkaroon ng kasunduan para sa kagun (bridewealth). Lahat ng kamag-anak ng lalaki ay mag-aambagan para sa kagun hanggang sa maabot nila ang halaga ng kagun. Ang araw ng kasal ay maitatakda lamang kung matapos nang maabot ang halaga nang kagun. Habang nag-aambagan ang pamilya ng lalaki, ang pamilya ng babae naman ay abala sa paghahanda ng apa ( handaan ng kasal). Nagtatapos ang proseso sa isang marangyang kasal. Ang kasal sa kanila ay isang sistema kung saan ang ugnayan ng pamilya ng lalaki at babae ay kinakailangan. Ang pagkakaroon ng maraming asawa, bagama't kadalasan lang kung mangyari ay hindi ipinagbabawal.
Mayroon din silang kaugalian sa palilibing. Ang patay na lalaki ay kanilang inililibing na nakaharap sa silangan upang ang pagsikat ng araw ay magbigay hudyat na oras na upang magtrabaho. Ang babaeng namatay naman ay inililibing na nakaharap sa kanluran upang ang paglubog ng araw ay magbigay hudyat na oras na para sa kanya ang magsaing. Sa oras na tinatakpan na ng lupa ang libingan, lahat ng naroon ay tumatalikod upang mapigilan silang mahikayat na sumama sa namatay. Matapos ang libing, mayroong walo hanggang labindalawang araw ng kalungkutan depende sa estado ng namatay. Ang sanggol ay isang araw lang at ang datu hanggang pitong araw. May kantahan at sayawan sa loob ng mga araw na ito subalit ipinagbabawal ang instrumental na mga kanta.
Sining
Ang pagiging makasining ng mga Manobo ay makikita sa kanilang pang-araw-araw na kasuotan. ang kanilang tradisyunal na kasuotan ay magarang binurdahan at halos lahat ay gawa sa abaka. Ito ay kinukalayan gamit ang mga pangkulay mula sa kalikasan. Kumukuha sila sa iba't-ibang halaman para sa iba't-ibang kulay. Kadalasan ito ay hinahabi na may nga disenyo ng mga bulaklak at mga bagay sa kalikasan. Subalit, ang mga kasuotang ito ay nakilala lamang raw ng mga Manobo ng maaga lang ngayong siglo sapagkat, ang mga Manobo ay hindi marunong maghabi.
Maging ang pag-aayos ng kanilang buhok ay masining. Ang mga buhok nila ay kadalasang nasa estilong "buns" at "bangs". Ang buhok ng mga babae ay nilalagyan ng kawayang suklay at mga dekorasyon gaya ng perlas, kabibe at mga bagay na iba't-ibang hugis. Ang sa mga lalaki naman ay ang tinatawag na tengkulu, isang piraso ng tela na kanilang binubuklod palibot sa kanilang ulo.
Ang mga alahas din ay may mahalagang papel sa kanilang buhay. Ang ilan pa nga rito ay pinaniniwalaang epektibo laban sa mga lason at sumpa. Ang mga babae ay may mga hikaw na kahoy na halos tatlong sentimetro ang lapad. Ito ay nababalutan ng ginto,pilak o di kaya'y tanso. Mga kuwintas na kung tawagin ay balungkag na hinuhubog nila sa iba't-ibang disenyo gamit ang mga kabibe, maliliit na beads, ngipin ng buwaya o di kaya'y mga kristal na may iba't-ibang kulay. Meron ding tinatawag na sinakit, isang kuwintas na sinukat sa laki at lapad ng leeg. Ang para sa mga lalaki ay isang sinakit na hinugis na tila likod ng isang sawa.
Marami pa silang mga dekorasyon sa katawan gaya ng tattoo, panggilid sa ngipin at pulseras ng iba't-ibang uri at laki.
Gumagawa rin sila ng mga bagay-bagay na magagamit nila sa pang-araw-araw na buhay. May mga sombrero na gawa sa kawayan at erik-ik o anahaw. Marami silang basket para sa iba't-ibang gamit. May basket para sa isda, bigas at mga pang-imbak.
Ang mga Manobo ay mayaman rin pagdating sa kanilang pagsulat.Mayroong atukon, bugtong, salawikain, panonggelengan, katutubong kuwento, pabula, epiko at nakakatuwang kuwento.
Ang Manobo ng Modernong Panahon
Ngayon po ay tunghayan natin ang ilan sa mga katibayang nagpapatunay na buhay pa rin ang kulturang Manobo magpasahanggang ngayon...
Ipinaskil ni Manobo Tribe sa 3:45 AM 12 (mga) puna